Isang Maikling Kuwento ng Pag-ibig
Dapithapon sa Punta Nasog
ni Heathcliff Arreza
Unti-unti nang tumitila ang ulan habang pabalik na kami ng bahay galing sa sementeryo. Inihatid na si Kuya Miguel sa kanyang huling hantungan. Marami ang nakilibing sa kabila ng napakalakas na buhos ng ulan kanina habang tinutuklad namin ang matarik na daanan papuntang pampublikong sementeryo. Hindi ko inakalang marami ang nagmamahal sa aking kapatid; kahit pa maputik ang daan ay dumalo pa rin sila-mga barkada, mga co-teachers, at maging taga-baryo na ang karamiha'y hindi kilala ng pamilya. Kunsabagay, ganoon naman talaga kapag nakatira ka sa maliit na baryo tulad ng Casay. Lahat kakilala mo at alam lahat ng ginagawa mo, lalo na kapag medyo kakaiba ang nangyayari sa loob ng iyong pamamahay. Walang lihim na naitatago sa aming baryo. Kahit nga ang pagkamatay ni Kuya Miguel ay naging isang kababalaghan para sa kanila, lalo pa nang ito'y patay na nang inihatid sa bahay mula sa pinatayo niyang kamalig sa tuktok ng Punta Nasog. Marahil iyon ang dahilan kung kaya't halos lahat ng tao sa Baryo Casay ay nakilibing, upang may masabat na kahit kaunting kasagutan sa kanilang katanungan: ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Kuya Miguel. Natatawa nga lamang ako habang pinagmamasdan ang mga matatanda na habang nakikisilong sa payong ng iba'y panay ang bulung-bulungan. Marahil inengkanto ni Olayra dahil nagtayo siya ng kamalig mismo sa tuktok ng Nasog kaya nagalit ang prinsesa ng mga tamawo. Hindi, kaya siya namatay dahil palagi siyang natatanggal sa trabaho kaya pinili na lamang niyang maging ermitanyo doon sa may Nasog. Namatay siya dahil sa sobrang kalungkutan. Ito lamang ang mga huring-huring na nasasagi ng aking pandinig habang binabagtas ang daan patungong sementeryo.
Marahil may katotohanan nga ang sinasabi ng mga tsismosang nakilibing, subalit hindi nila batid ang malalim na hapdi na nagdala kay Kuya Miguel sa kanyang maagang paglisan sa mundo. Hindi si Prinsesa Olayra ang dahilan kundi isang babae na nagpaiwang mag-isa kanina sa sementeryo.
Puno ng lihim ang buhay ni Kuya Miguel. Sa aming tatlong magkakapatid, siya ang may kakaibang ugali. Tahimik, palaisip, palaging nag-iisa. Siya na rin ang matalino at talented. Isa kasi siyang guro at manunulat. At kung saan malapit na niyang matapos ang kanyang kauna-unahang nobela, saka naman siya namatay. Hindi na niya ito natapos dahil nagkasakit ito nang malubha. Sa kanyang paghihirap, ipinagkaloob niya sa akin ang tungkuling tapusin ito. At sa aming huling pag-uusap, unti-unti kong nalaman ang mga lihim lingid sa kaalaman ng ibang tao, maging mismo kina Mama, Papa, at Manang Lucy. Higit pa sa kanyang karamdaman ang sanhi ng pagtaliwan ni Kuya Miguel. At ang lahat ay dahil sa isang babae na kanyang inibig na kahit ang kamatayan ay hindi makakahadlang sa kanyang pagmamahal dito. Sa totoo lang, halo-halo ang aking damdamin tungkol sa pag-amin ni kuya, at maging sa kanyang kamatayan. Nalulungkot ako sapagkat para sa akin, napakababaw na dahilan na ang isang tao ay namamatay dahil lamang sa pag-ibig. Nagagalit ako sa aking kapatid dahil ni minsan, hindi niya ipinaglaban ang babaeng sinasabi niyang mamahalin hanggang sa kamatayan. Nanghihinayang ako kay kuya dahil sa kabila ng kanyang talino, mas ginamit niya ang kanyang puso sa pagtimbang kung ano ang tama at kung ano ang mali. Dito siya naging biktima ng kanyang pasya. Tama o mali man ang kanyang ginawa, hindi ko halos masasagot, dahil alam ko, kapag namayani ang pag-ibig sa isang tao, magagawa nito ang lahat sa punto na kahit ang kamatayan, kanyang suongin. At iyon nga ang ginawa ng aking kapatid.
Ngayon, wala na si Kuya Miguel. Alam ko ring kahit nasaan man siya ngayon maligaya siya sapagkat sa kahuli-hulihang pagkakataon ay natupad rin ang kanyang hiling. Nagtagumpay siya sa kanyang pakikidigma, hindi man sa pisikal na karamdaman kundi sa pakikidigma niya alang-alang sa pag-ibig. At sa huling sandali ng kanyang buhay, nakapiling niya ang babaeng kanyang inasam na mahalin sa mahigit labinlimang taon simula nang makilala niya ito.
Namatay si Kuya Miguel sa mga bisig ng kanyang pinakamamahal, habang pinagmamasdan nila ang paglubog ng araw mula sa tuktok ng Punta Nasog.
Ngayong wala na si kuya, isang makulay na kuwento ang kanyang iniwan sa akin, na kahit ako mismo ay hindi kayang tapusin. Ang mabuti pa ay ibahagi ko na lamang sa inyo ang istorya ng aking kapatid at nawa'y sa kuwentong ito maliwanagan na rin ang lahat ng taong nagtatanong sa tunay na dahilan kung bakit namatay si Kuya Miguel. Subalit sa aking pagsasalaysay, nais kong buhayin ang alaala ng aking kuya, ang kanyang pakikipagsapalaran at pakikipaglaban dahil sa makapangyarihang damdamin sa lahat. Ang pag-ibig.
Nagsimula ang lahat nang umuwi ni Kuya Miguel galing Iloilo, at sa isang pagtatapat na nagpabago sa buhay naming lahat. Maikli lamang ang pahayag ni Kuya Miguel nang hapong umuwi siya sa bahay sakay ng Dianaruss. Malakas pa ang ulan noon dahil sa Bagyong Quinta, at dahil nga hindi namin marinig ang kanyang sinabi, pinaulit ito ni Mama habang kami'y naghahapunan.
"Magpapahinga muna ako," sambit ni Kuya Miguel. "Hindi na ako babalik sa pagtuturo at ayoko na ring bumalik sa Iloilo," pagpatuloy niya sabay pasok sa kanyang kuwarto. At sa loob ng dalawang araw, nagkulong si Kuya Miguel sa kanyang silid, at hanggang sa tumila ang ulan, doon niya lamang naisipang lumabas upang kumain. Nagulat si Mama at sina Lola sa pangangayayat ni kuya. Dalawang araw ding sinubukan ni Papa na tanungin si kuya subalit wala siyang may makuhang sagot kahit pa anong pilit ng aking ama. Sa sobrang inis at sama ng loob ni Papa ay nasuntok niya ang dingding ng kuwarto ni kuya. Wala pa ring imik si kuya. Kahit si Manang Lucy na nagtatrabaho bilang nars sa Riyadh, walang magawa kundi ang sabihin sa pamilya na hayaan na lang muna si Kuya Miguel. Marahil ay may problema ito at gustong mapag-isa. Kaya sa loob ng dalawang araw, nagmistulang preso si kuya. Inom at ihi lamang ang oras ng kanyang paglabas sa kanyang kuwarto. Hanggang sa lumisan ang Bagyong Quinta, doon na lamang lumabas si Kuya upang humingi ng lechong manok. Ni hindi niya sinabi sa amin ang kanyang problema. Pagkatapos ubusin ang lechong manok, pumasok ulit sa kanyang kuwarto si Kuya Miguel. Kinaumagahan, natagpuan na lamang siya ni Papa na nakahandusay sa sahig. Hindi namin alam kung nahulog ito sa katre ngunit sa posisyon ng kanyang katawan sa sahig, marahil ay hinimatay ito. Dali-daling hiniram ni Papa ang pik-ap ni Tita Celia sa kabilang baryo upang dalhin si Kuya Miguel sa ospital sa Iloilo. Halos lahat sa pamilya ay kinabahan. Nang nalaman ng buong baryo ang nangyari sa aking kapatid, naglabasan ang lahat sa kani-kanilang bahay. Ang iba nama'y nagtipon sa aming bahay upang magtanong. Ang tanging sagot lamang ng aking tita ay may lagnat ang aking kuya. Maging ang aming kamag-anak, at ako ay naiwan sa ereng nagtatanong kung ano nga ba ang dahilan kung bakit nagkaganoon si Kuya Miguel. Hanggang sa isang linggong pananatili sa ospital, isang malaking pahayag ang gumulat sa aming lahat.
May malubhang karamdaman si Kuya. Nagkaroon siya ng tumor sa utak at nagkaroon din ng kumplikasyon ang puso dahil sa hindi pagsara ng kanyang kaliwang ventricle. Nahirapan siyang huminga nang umagang iyon at dahil na rin sa CT scan kung kaya't nadiskubreng nasa malignant stage na pala ang kanyang kanser sa utak. Ang masama, matagal na itong kinikimkim ni kuya na kahit mismo ang magulang nami'y ngayon lang nalaman ang sakit niya. Magaling magtago ng sikreto si kuya na maski ang sakit niya'y nagawa pang ilihim kina Mama at Papa. Isa lang ang ibig sabihin nito. Hindi na magtatagal ang buhay ni Kuya Miguel.
Nang umuwi sina kuya galing sa ospital, nagtipon-tipon ang pamilya kinagabihan. Nasa kuwarto si kuya dahil nagagalit siyang malaman na kinaaawaan siya. Hindi man niya ito sabihin, ngunit halatang iniiwasan niya ang usaping may kinalaman sa kanyang sakit. Halos kumpleto ang pamilya. Si Mama, Papa, ang dalawa kong tita, sina lola, at maging ang mga pinsan ko sa kabilang baryo. Doon ipinagtapat sa amin ni Mama ang karamdaman ni Kuya Miguel. Napatulala ang aking mga pinsan at nag-iyakan naman ang aking mga tita. Sa mahinang paraan lamang namin ipinakita ang aming kalungkutan sa takot na baka marinig ni kuya ang aming mga iyakan. Sa panahong iyon, pakiramdam namin walang katapusan ang gabi para sa aming pamilya dahil sa sakit ni Kuya Miguel. Subalit mayroon pa palang mas malalim na dahilan luwas sa kanyang karamdaman. Isang lihim na sa akin niya mismo ipinagtapat, minsan nang pumasok ako sa kanyang silid upang bigyan siya ng isang basong tubig. Kami lang dalawa ang nasa bahay dahil bumili ng gamot si Mama sa San Jose habang si Papa nama'y pumunta sa tindahan upang bumili ng lulutuing ulam para sa pananghalian. Dahil walang pasok noon, ako ang nagbantay kay Kuya. Pagpasok ko ng kanyang silid, nadatnan ko siyang nagtatype sa kanyang laptop. Sa hinuha ko'y isa na naman itong sugidanun o kaya'y tula. Magaling na manunulat kasi si Kuya. Limang beses na siang nakatanggap ng parangal mula sa Palanca Award at dalawa naman sa Gawad Ka Amado.
Nang ipinatong ko ang baso sa baul, tinanong ko si kuya kung ano ang kanyang ginagawa. Ngiti lamang ang kanyang tugon. Pagkatapos ay humarap siya sa akin. Nakangiti pa rin. "Maupo ka," ang kanyang paanyaya sabay hugot ng folder sa bookshelf. Ibinigay niya ito sa akin. Makapal na papel na pakiwari ko'y manuscript ng isang nobela. Nang buklatin ko'y tama nga ang hinala ko. Ang nobelang matagal nang sinusulat ni Kuya Miguel.
"Malapit ko nang matapos iyan," ang malungkot niyang wika habang umuupo sa aking tabi.
"Talaga, kuya? Wow naman. Bilib talaga ako sa iyo," ang papuri ko sa kanya na tinugunan niya ng isang malungkot na ngiti.
"May sasabihin ako sa iyo, Ben."
Mahinang tango naman ang naging sagot ko. Pinilit kong patatagin ang aking sarili upang hindi mahalata ni Kuya Miguel ang pagkaawa ko sa kanya.
"Alam mo na siguro kung ano ang sitwasyon ko ngayon, ‘di ba?"
Nag-alinlangan akong sumagot. "O-opo, kuya."
"Kapag... kapag nawala ako, ang ibig sabihin, hindi ko matatapos ang nobela."
Pinipigilan ko ang huwag lumuha sa harapan ng aking kapatid. Sa totoo lang, hindi ko maunawaan ang kanyang sinabi.
"Ben, gusto kong ikaw ang tumapos ng aking nobela. Ikaw ang sumulat ng huling kabanata nito."
Sa pagkasabi noon ni Kuya Miguel, pakiramdam ko tumigil ang mundo. Napanganga na lamang ako. Saang sulok naman ng mundo niya nakuhang may alam ako sa pagsusulat? Ako na isa lamang high school student na ang tanging alam ay maglaro ng PSP at basketbol? Wala akong naisagot sa kanya hangga't sa tumawa na lamang ang aking kapatid.
"Alam ko, alam ko. Wala ka namang hilig sa pagsusulat e. Huwag kang mag-alala. Tuturuan kita." Doon mas lalo akong nagtaka. At tuturuan pa niya ako. Natatawa din ako sa kaniya. Kung tutuusin, malayo ang relasyon namin ni Kuya Miguel bilang magkapatid. Sa maikling salita hindi kami close. Minsan lang niya kasi ako pinapansin. Sa halos buong panahon na magkasama kami sa bahay, madalang lang niya akong kinakausap. May mga panahon ngang tinatanong ko ang aking sarili, kapatid ko nga ba siya? Kasi naman sa tuwing umuuwi siya ng baryo, ginugugol ni Kuya Miguel ang panahon sa pagkukulong sa kuwarto upang magsulat at magbasa. Mas malapit ako kay Manang Lucy na ngayon ay nagtatrabaho sa Riyadh bilang nars. Nang umalis siya, pakiramdam ko nawalan na rin ako ng kapatid. Nakakalimutan ko kasi na may kuya pa pala ako. At ngayon, dahil sa kanyang karamdaman, mukhang nagbago na nga ang lahat.
"Salamat po, kuya. Kaya lang po, talagang wala akong talent sa pagsusulat e. Maski nga po sentence hindi ako marunong magkonstrak. Nobela pa kaya?"
"O sige na nga. Ganito na lang. Tutal, andito lang naman ako sa kuwarto. Ididikta ko na lamang sa iyo ang dapat mong itype. Sa palagay ko madali iyon kasi napapagod na rin akong magtype, e. Ano, okey ba sa ‘yo iyon?"
Napaisip ako nang kaunti. Kunsabagay, madali lang naman pumindot kaysa mag-isip kung ano ang isusulat. Dahil ‘dun, pumayag ako sa plano ni Kuya Miguel "Para sa ‘yo, kuya... para sa ‘yo," ang tangi kong sambit na hindi ko rin alam kung bakit ko nasabi iyon. Magmula nang araw na iyon, walang palya na hindi ako pumapasok sa kuwarto ni Kuya Miguel. Pagkatapos ng klase kung hapon, dumideretso ako sa kanyang silid upang itype ang kanyang sinasabi para lamang matapos ang huling kabanata ng kanyang nobela. Araw-araw nahahalata kong nanghihina si Kuya Miguel at araw araw ko ring natatagpuan ang aking sariling humahanga sa kanya. Sa kabila ng kanyang karamdaman, pilit pa rin niyang pinapalakas ang kanyang sarili. Minsan habang kumakain kami sa kanyang kuwarto, may ipinagtapat siya sa akin.
"Alam mo ba ang nobelang iyan?" ang tanong ni kuya. "Autobiographical ‘yan."
"Autobiographical? Ano po ba ang ibig sabihin ng autobiographical?" ang nagtataka kong tanong.
"It means na ang sinusulat kong nobela ay hango mismo sa buhay ko."
Napangisi ako. Hindi ko lubos maisip kung bakit naging autobiographical ang nobelang sinusulat ni Kuya Miguel sapagkat sa mga tauhan pa lamang ay malayo na sa kanyang totoong buhay. Unang-una, parang love story ang kuwento at palaging nababanggit na pangalan ay Jane. Kung hango ito sa totoong buhay, sa pagkakaalam ko ay walang lovelife ang aking kapatid at ni pangalang Jane ay wala siyang nasabi sa amin.
"Kung ganon kuya, may nag-eexist na Jane sa buhay mo?"
Maintrigang ngiti ang sagot ni Kuya Miguel. Pagkatapos ay tumingin siya sa kawalan na tila may iniisip. Napawi na rin ang ngiti sa kanyang labi. "Si Jane," ang pabulong niyang sambit.
"Sino po ba si Jane, Kuya Miguel?"
"Si Jane... ang una at huling kabanata ng nobela ng buhay ko."
"Ang ibig mong sabihin, para sa kanya ang nobelang ito?"
Matamis ang ngiti na iginawad ni Kuya Miguel. Sa pagsambit pa lamang niya ng pangalang Jane, may kakaibang sigla nang bumabalot sa kanyang katawan na hindi ko mawari kung bakit. Buong maghapon niyang banggitin ang pangalang Jane sa palagay ko'y gagaling siya mula sa kanyang karamdaman. Siguro tama nga si Kuya Miguel. Na ang Jane na ito ang una at huling kabanata ng nobela ng kaniyang buhay. "Sino nga ba si Jane sa buhay mo, kuya? Girlfriend mo ba siya? Eh, sa pagkakaalam ko wala ka namang girlfriend."
"Tama ka nga. Hindi ko girlfriend si Jane."
Mas lalo akong nalito. Kung hindi niya kasintahan si Jane, bakit niya inaalay ang kanyang nobela sa babaeng ito? Sa kalauna'y nasagot na nga ang katanungan ko. Minsan, habang mahimbing na natutulog si kuya ay kinuha ko ang manuscript mula sa kanyang bookshelf. Naisip ko, tutal sa akin din naman niya ibinilin ang pagtapos ng kanyang nobela, mayroon din akong karapatan na basahin ang iba pang kabanata na nasulat na niya. Palihim kong kinuha ang manuscript at saka dinala sa aking kuwarto upang doon basahin. Hindi ko naihanda ang aking sarili sa aking mga natuklasan. Kung totoo ngang hango sa buhay niya ang nobelang ito, masasabi kong namumuhay si Kuya Miguel sa dalawang mundo na maski ako'y hindi batid kung alin sa mga mundong ito ang katotohanan o pawang ilusyon lamang. Sa puntong ito unti unting naging mas malalim ang pagkakilala ko sa aking kapatid. At si Jane? Hindi lang siya basta tauhan sa nobela ni Kuya Miguel. Siya ang nagbibigay buhay sa katauhan ng aking kapatid. Bawat pahina, bawat kabanata, si Jane ang nagsisilbing hininga ni Miguel.
Inumpisahan kong buklatin ang unang pahina ng nobela. "Dapithapon sa Punta Nasog" ang pamagat nito.
Mayroong isang alamat kung bakit hugis tuktok ng tandang ang Punta Nasog. Sa salitang Espanyol nga, tinatawag itong Cresta de Gallo. Ito ang simulang pagsasalaysay ng nobelang isinulat ni Kuya Miguel. Ayon sa mga matatanda, gawa ng dalawang nilalang na magkaiba ang mundo kaya nabuo ang Punta Nasog. Dalawang nilalang na umibig at nagkahiwalay dala ng isang sumpang pumagitna sa kanilang pagmamahalan. Ito ang pag-ibig nina Buyung Nasog at Lin-ay Bandirahan .
Mula sa angkan ng mga tamawo si Lin-ay Bandirahan. Bilang anak ni Reyna Olayra, walang kawangis ang kagandahan nito sa buong kaharian ng Aninipay. Kahit ang mga diwata ng Igbarabatuan at mga mortal ng Sitio Panabudlon ay nahisa sa kaanyag ni Lin-ay Bandirahan. Ngunit sa kabila ng kagandahan nito, lingid sa kaalaman ng mga tao'y may kalungkutan na itinatago si Lin-ay Bandirahan sa kanyang puso. Bilang isang prinsesa ng mga tamawo, hindi siya maaaring umibig sa lalakeng hindi nila kauri, lalung-lalo na sa isang mortal. Kapag umibig si Bandirahan sa isang taga-lupa, mamamatay ang dalagang diwata.
Minsan, habang namamasyal sa kagubatan ng Dapdap upang mamitas ng mga ligaw na dapo, may nakasalubong si Lin-ay Bandirahan na isang binata. Matikas, matipuno ang pangangatawan, at katulad ng isang mabangis na agila ang mga mata. Sa unang pagkakataon, nakaramdam ng pag-ibig si Lin-ay Bandirahan. Biglang napawi ang kalungkutan sa puso ni Lin-ay Bandirahan. Nagkaroon siya ng lakas at tapang na magpakilala sa binata, ngunit dahil bawal ang pag-iibigan sa pagitan ng mga diwata at mga mortal, inilihim ng dalagang diwata ang tunay nitong pagkatao.
Nasog ang pangalan ng binata. Isa itong hamak na mangangaso at anak ng mga mortal na nilalang na sina Buyung Iguhag at Dayang Atay-atay. Nagpakilala si Lin-ay Bandirahan bilang si Bantigue, isa ring mortal na naninirahan sa tabing-dagat. Sa buong maghapon na nagkasama sina Nasog at Lin-ay Bandirahan umusbong ang pag-iibigan sa pagitan ng isang mortal at ng isang diwata na labis na ipinagbabawal ng lipunan noon. Nangako sila sa isa't isa na magkikita sa kagubatan ng Dapdap upang doon pagsaluhan ang kanilang pagmamahalan. Sa bawat dapithapon nagtatagpo sina Nasog at Bandirahan, hanggang sa nalaman ni Reyna Olayra ang bawal na pag-iibigan ng kanyang anak at ng mortal na binata. Dahil dito, inilayo ni Olayra si Lin-ay Bandirahan patungo sa kuweba ni Files upang doo'y hindi na makakalabas pa. Sinuway ng mga mortal ang batas ng mga tamawo kung kaya't labis na nagalit ang reyna. Simula noon, nagtalaga siya ng mga sumpa kapag nangahas ang mga mortal na makipagkaibigan o dili kaya'y gamitin ang mga bagay na pagmamay-ari ng mga tamawo. Ang pangyayaring ito ang nagbunga ng isang digmaan sa pagitan ng mga tamawo at mga mortal.
Sa ikadalawampung kabilugan ng buwan na pagtatagpo nina Nasog at Bandirahan at sa pagsiklab ng digmaan, nagtaka ang binata kung bakit hindi na nakipagkita sa kanya si Bandirahan. Nangako pa silang lumayo upang hindi na danasin ng binata ang sumpang dala ng galit ni Olayra. Nangako silang hindi na magkakahiwalay sa gitna ng pagbabawal ng ina ng diwata.
Ngunit nang gabing iyon, walang Lin-ay Bandirahan na lumitaw. Sa halip, isang dama ang nakipagkita upang ipagtapat kay Nasog na ang kanyang pinakaiibig ay ang mismong anak ng reyna ng mga tamawo. Doon, nalaman ni Nasog na siya ang dahilan ng digmaan sa pagitan ng kanyang lahi at ng mga tamawo. At ang kanyang pinakamamahal na si Lin-ay Bandirahan ay hindi na niya makikita pa.
Ipinaglaban ni Nasog ang pag-ibig niya kay Bandirahan. Sa kabila ng kapangyarihan ng mga tamawo, nakipaglaban si Nasog kay Olayra. Naghanda ang binata upang makipagtuos sa reyna. Sa tulong ng kanyang amang isang babaylan, ipinagkaloob kay Nasog ang isang mahiwagang tandang. Ayon sa kanyang amang si Buyung Iguhag, ang tilaok ng tandang raw ang kinatatakutan ng mga tamawo. Hinihigop raw kasi ng tilaok ang kapangyarihan ng mga ito kung kaya't takot ang mga tamawo sa tunog nito.
Sa kabilang banda, patuloy na naghihintay si Lin-ay Bandirahan sa kuweba ni Files, umaasang sasagipin siya ni Nasog. Dalawampu't dalawang taon na ang nakakalipas simula nang sila'y nagkahiwalay at hanggang ngayon naniniwala pa rin siyang ilalabas siya ng binata mula sa kuweba. Subali't unti unting nakalimutan ni Bandirahan ang mga ala-ala sa pagtagal ng panahong pananatili sa kuweba ni Files. Hanggang sa tuluyan nang nabura sa kanyang isipan si Nasog.
Samantala, nagtagumpay si Nasog sa kanyang pakikipaglaban kay Olayra. Hindi man tuluyang namatay ang reyna, tagumpay namang naitaboy ng mga mortal ang mga diwata. Sakay ng diyamanteng biday, umalis ang mga tamawo sa Aninipay. Sinasabing naiwan ng mga ito ang kanilang mga kayamanan kung kaya't ang ibang mga tamawo ay palihim na bumabalik lalo na kapag sumapit ang dapithapon, upang bawiin o hanapin ang kanilang mga diamante, perlas, at iba pang kayamanan na kanilang naiwan.
Bago lisanin ang Aninipay, nagsinungaling si Olayra kay Nasog tungkol sa totoong nangyari kay Bandirahan. Sinabi ng reyna na patay na ang kanyang anak dahil sa sumpang kapag umibig ang tamawo sa isang mortal ay mamamatay ito. Napuno ng kalungkutan si Nasog dahil sa pagtatapat ni Olayra. Kung kaya't iginugol ni Nasog ang panahon sa gitna ng kagubatan ng Dapdap sa pag-asang magpapakita sa kanya si Bandirahan. Hindi siya umalis kahit ano pang pilit ng kanyang mga magulang. At sa gitna ng kagubatan nagpatayo siya ng malaking kamalig at doon na nanirahan. Patuloy ang pagdaan ng mga panahon at patuloy pa ring naghihintay si Nasog. At dahil sa sobrang kalungkutan, nagkaroon siya ng malubhang karamdaman. Ipinahanap ni Buyung Iguhag si Lin-ay Bandirahan sa tulong ng kanyang kawa na binudburan ng pulbong yari sa bato ng bantiling. Sa pamamagitan nito makikita niya ang kinaroroonan ni Bandirahan. At nalaman nga nilang ito'y nakakulong sa kuweba ni Files. Agad na iniligtas ng taga Aninipay si Lin-ay Bandirahan sa madilim na kuweba ng matandang tamawo. Dahil dito, nagalit si Files at isinumpang kung sino man ang mapapadaan sa kanyang kuweba ay agad itong itatapon sa dagat at mamamatay.
Tagumatayon na si Nasog nang nagtagpo sila ni Bandirahan sa gitna ng kagubatan ng Dapdap. Ibinalik ni Buyung Iguhag ang alaala ni Bandirahan kung kaya't ganoon na lamang ang lugmok nang malaman ang nangyari sa pinakamamahal nitong si Buyung Nasog. Nangako si Lin-ay Bandirahan na aalagaan si Nasog. Dalawa silang nanirahan sa kagubatan, malayo sa mata ng lipunan. Naging buhay nila ang isa't isa, at hanggang sa paglisan ni Nasog, kasama nito si Lin-ay Bandirahan na pumanaw. Sa pagsapit ng dapithapon, natagpuan silang magkayakap at wala nang buhay. Sa pagkakataong ito, napapaligiran sila ng mga mortal at mga tamawo.
Bilang tanda ng kanilang wagas na pagmamahalan, ginawang bundok ni Reyna Olayra ang dating patag na kagubatan ng Dapdap. At bilang sagisag ng kanyang kahinaan, isinunod ng reyna ang hugis ng bundok sa nilalang na kanyang labis na kinatatakutan, ang tandang.
Kaya ngayon, habang kayo'y napapadaan sa paanan ng Punta Nasog, mapapansin niyong ito'y binubuo ng dalawang bundok, isang mataas at isang mababa. Masasabi ninyong mas mataas ang Nasog, ngunit sa malapitan, mas mataas pala ang Bandirahan. Ito marahil ang simbolong kahit kailan ay hindi na magbabago. Ang pagmamahalan sa pagitan ng dalawang nilalang na magkaiba ang uri sa lipunan. Ganunpaman, umibig sila nang tunay at wagas hanggang sa kamatayan. Ito ang pag-ibig nina Nasog at Bandirahan.
Nagsilbing panimula ang alamat ng Punta Nasog sa nobela ni Kuya Miguel. At dito din magsisimula ang kuwento nina Miguel at Jane.
Nagsimula ang totoong kuwento nang makilala nina Miguel at Jane ang isang matandang estranghera na nakatira malapit sa paanan ng Punta Nasog, minsang naisipan nilang anim na magbabarkada na umakyat ng bundok tatlong linggo bago sila magtapos ng hayskul. Dahil sa sobrang uhaw, naghanap ng mapagkukuhanan ng tubig sina Miguel at Jane. At doon, sa munting kubo, ay masuwerte silang nakahanap ng inumin na magpapabago sa takbo ng buhay nilang dalawa.
Malugod na pinatuloy ng matanda sina Miguel at Jane kahit na abala ang matanda sa pagdidikdik ng butil ng areca at pagsabit ng mga dahon ng buyo sa sirong nito. Nagpakilala ang matanda na si Estrella.
"Anong ginagawa ninyo sa tuktok ng Nasog?" ang tanong ng matanda habang nilalagyan niya ng tubig ang basong kawayan ng dalawang magkaibigan.
"Nagpipiknik po," ang sagot ni Miguel, sabay tingin kay Jane.
"Piknik? Aba'y sa dinami-dami ng lugar na mapapasyalan, dito pa kayo sa bundok naisipang pumunta? Hindi ‘nyo ba alam na delikado dito?"
"Delikado? Bakit po, lola?" ang tanong ni Jane pagkatapos niyang inumin ang tubig.
Bago sumagot ang matanda, kumuha siya ng sisidlang mangkok at nilagyan ng langis na gawa sa iba't ibang dahon na makikita sa bundok. Pagkatapos ay hinalo niya ito at binudburan ng butil ng areca na kanyang dinikdik kanina.
"Mariit ang bundok na ito."
Kabadong nagtinginan sina Jane at Miguel. Alam na nila ang kuwento tungkol sa mga hiwagang nangyayari daw sa Punta Nasog, ngunit kapwa sila nakaramdam ng kakaibang takot nang sabihin mismo ito ni Tandang Estrella. Nakaramdam ng pag-ihi si Jane kung kaya't lumabas itto ng kubo, habang si Miguel ay naiwang pinagmamasdan ang ginagawa ng matanda. Nang bumaba ng kubo si Jane ay saka naman tinitigan ni Tandang Estrella si Miguel na tila kinikilatis ito. Tahimik lamang ang binata at hindi makatingin sa matandang babae.
"Mahal mo siya, hindi ba?"
Napaubo si Miguel habang nilalagok ang tubig. "Po?" ang bigla niyang tanong.
Ngumiti si Tandang Estrella habang nilulugay ang laman ng mangkok. "Iniibig mo ang dalagang iyon, ngunit hindi niya alam ito."
"Naku, kaibigan ko lang po si Jane, lola."
"Magbabago din ang lahat. HIndi nagsisinungaling ang mangkok."
Tumawa nang malakas si Miguel. "Naku, lola, manghuhula po pala kayo. Kaya lang po, e, hinding hindi po yun magkatotoo ang sabi niyo. Matalik na magkaibigan po kami ni Jane. Opo, mahal ko po siya ngunit kung higit pa sa magkaibigan ang sinasabi niyo, e malayong mangyari po iyon."
"Noy, hinding-hindi mo matatakasan ang guhit ng tadhana. Kayo ang nakatakda sa isa't isa... ngunit,,, ngunit..."
"Ano po iyon, lola?"
"Sa gitna ng liwanag ng inyong pagsasama, may madilim na pagakakataon ang darating sa buhay mo... Liwanag. Karimlan, At liwanag muli..."
Tumayo si Miguel at akmang magpapaalam na. Subali't pinaalahanan siya ng matanda. "Huwag mong itatago kung ano man ang nararamdaman mo sa puso mo. Habang may panahon, sabihin mo kung ano ang nararamdaman mo sa kaniya, at baka maging huli pa ang lahat."
"Maraming salamat po sa tubig, lola. Aalis na po kami at baka po hinahanap na po kami ng aming mga kaibigan."
Sa kaniyang ginagawang nobela nalaman kong umibig si Kuya Miguel sa maling pagkakataon... Itinago ni Miguel sa kanyang sarili ang pagtingin sa matalik niyang kaibigang si Jane. Hanggang sa pagtungtong nila sa kolehiyo saka na lang nalaman ng dalaga ang lihim na pag-ibig ni Miguel nang minsang napag-usapan nila ang paksang ito kasama ng kanilang barkada habang nagkakasiyahan. At dahil nalasing nga ang binata, doon na lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na aminin kay Jane ang tunay na nararamdaman. At dahil nga lasing ito'y inakala ng babae na nagbibiro ito. Ngunit kinaumagahan, sa pamamagitan ng isang tawag, ipinagtapat ni Miguel ang pag-ibig kay Jane. Iyon ang kahuli-hulihang pagkakataon na nagkita ang matalik na magkaibigan. Iyon din ang simula ng pagkawasak ng kanilang pagkakaibigan. Isang taong hindi nagpakita si Jane kay Miguel. Dahil nga nag-aaral sa Cebu ang binata habang kumukuha ng Nursing si Jane sa Iloilo, hindi na nga sila nagkikita o nagkakausap man lang. Makailang beses na sinubukan ni Miguel na tawagan ang dating kaibigan ngunit hindi ito sumasagot. Hanggang sa umuwi si Miguel sa Casay, at doon, pagkatapos ng isang taon, nagkrus ang landas nila ni Jane. Linggo nang araw na iyon. Habang tumatanggap ng kalawat, nagkasalubong ang kanilang mga mata. Walang magawa si Jane kundi ang kausapin si Miguel pagkatapos ng misa.
"Bakit hindi mo sinabi?" ang gulat na tanong ni Miguel sa kaibigan. Wala nang tao sa loob ng simbahan kundi silang dalawa lamang. "Isang taon akong naghintay, ni tawag hindi mo sinasagot. Magkaibigan naman tayo, ‘di ba?"
"Nalito ako ‘nun. Sino ba naman ang mag-aakalang magagawa mo sa akin ito, Mike? Sa dinami dami ng mga babae, bakit ako pa?"
Tumahimik si Miguel. Tanging kibit-balikat ang tugon nito sa tanong ni Jane.
"Oo, masama ang loob ko sa'yo nun," pagtatapat ng dalaga. "Galit ako sa'yo dahil pakiramdam ko ginawa mo akong tanga. Bakit, Mike? Bakit mo sinabing may gusto ka sa akin? Sa akin na mismong bestfriend mo."
"Ewan ko. Hindi ko maipaliwanag sa'yo, Jane. Siguro dahil matagal na tayong hindi nagkikita. Malayo tayo sa isa't isa at nasanay akong palagi kang kasama."
"Napakababaw naman yatang dahilan ‘yun, Mike. Alam mong hindi lang ako ang kaibigan mo. Sa Cebu alam kong marami kang nakilala. At ako din. Sa Iloilo marami din akong naging mga kaibigan."
"Tama ka nga. Kaya nga nakahanap ka ng boyfriend, hindi ba? At wala kang sinabi sa akin. Alam mong ako ang pinagmukha mong tanga ‘nun. Nang inamin kong mahal kita, wala akong kamalay-malay na may nobyo ka na pala. Sa isang kaibigan ko pa nalaman."
"I'm sorry."
"Wala na ba akong halaga sa'yo?" ang tanong ni Miguel habang hawak ang magkabilang balikat ni Jane. Nagmamakaawa ang mga mata ng binata. "Minahal kita. Hanggang ngayon, mahal pa rin kita. Isang taon akong naghintay na magkita tayo para sabihin ulit ito sa'yo. Please, gusto kong marinig sa'yo kung... kung minsan ba, may pagtingin ka rin sa akin?"
Pilit iniiwasan ni Jane ang mga titig ni Miguel. Inilapit ng binata ang mukha nito sa dalaga. "Hindi ako ang babaeng para sa'yo, Miguel. Kahit kaibigan mo ako, hindi mo ako lubusang kilala."
Biglang niyakap ni Miguel si Jane. Doon napaluha ang dalaga. Mahigpit ang pagkayakap ni Miguel at naramdaman ni Jane ang init at pagkasabik sa kanya ng binata. "Hindi na mahalaga kung sino ka. Para sa akin, ikaw pa rin ang bestfriend ko. Mahal kita, at yun ang mahalaga."
Mahinang nagpumiglas si Jane mula sa pagkakayakap. "Mike, mali ‘to. May nobyo na ako."
"Bakit, maligaya ka ba sa kanya?"
Hindi nakasagot si Jane. Umupo na lamang ito sa konkretong upuan, malapit sa grotto. Umupo naman sa tabi niya si Miguel. Namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. "Sabihin mo sa akin. Maligaya ka ba sa kanya?" Ulit na tanong ng binata. Subalit hindi na naman siya sinagot ni Jane. Sa halip ibinaon ng dalaga ang mukha sa kanyang mga palad. Tumayo ito at akmang aalis ngunit pinigilan siya ni Miguel.
"Maghihintay ako. Sinasabi mo sa akin na mali ito... maghihintay ako hanggang sa ito'y maging tama. Araw, buwan, taon... kahit gaano man ‘yun katagal, maghihintay ako."
Umalis si Jane at tuluyan na itong hindi nagpakita kay Miguel. Nalaman na lamang ng binata na nagtatrabaho na bilang nars sa Maynila si Jane. Limang taon na ang nakakalipas simula nang huli silang nagkita. At si Miguel, kahit kailan ay hindi napawi ang pagmamahal nito sa dalaga. Parati pa rin siyang dinadalaw ng mga alaala ni Jane. Sa loob ng limang taon, kamuntikan nang mapariwara ang buhay nito. Hindi natapos ni Miguel ang kanyang pag-aaral sa Cebu dahil palagi itong hindi pumapasok at gumagawa ng mga plateworks. Bumagsak siya at tuluyan nang nag-drop out. Pinauwi siya ng kanyang mga magulang. Sa loob ng dalawang taon ay nanatili siya sa Casay. Doon nagsimulang ikinulong ni Miguel ang sarili sa kanyang kuwarto. Palagi na itong walang imik at naging bugnutin. Naging sakit siya sa ulo ng kanyang mga magulang. Kapag tinatanong siya ng ama kung ano ang kanyang problema, mistulang parang bato ito at hindi hinaharap ang magulang. Tanging ang nakakatandang kapatid na si Lucy lamang ang nagsilbing pahingahan ng loob ng binata. Minsan nadatnan siya ng nakakatandang kapatid na tahimik na umiiyak sa kuwarto. Tinanong ni Lucy si Miguel.
"Babalik siya, manang. Babalik siya," ang mahinang sambit ni Miguel na labis na ipinagtaka ni Lucy.
"Siya? Sinong siya? Miguel, ano bang pinagsasabi mo?"
"Siya... ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito."
Umiling-iling si Lucy. Napagtanto na niya ang ibig sabihin ni Miguel. "Hay naku. Iyon na nga ba ang sinasabi ko."
Ikinuyom ni Miguel ang mga palad. Mahigpit. "Kapag bumalik siya, sana hindi na magkrus pa ang aming landas."
"Mag-ayos ka nga. Dahil lang diyan sisirain mo ang buhay mo? Tingnan mo nga yang sarili mo. Hindi na ikaw ang dating Mike na kilala ko."
"Manang, ano ba'ng gagawin ko? Gusto kong maghiganti. Siya ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito. Ewan ko kung maibabalik ko pa sa ayos ang buhay ko. Sinira niya ako, manang. Sinira niya ako."
Mahigpit na niyakap ni Lucy si Miguel. "Mike, matalino kang tao. Bakit mo ginugugol ang iyong panahon para sa isang babae na kailanma'y hindi sinuklian ang pagmamahal mo? Marahil hindi paghihiganti ang tamang paraan. Alam mong masama ang maghiganti. Ang mabuti mong gawin ay isaayos ang iyong buhay. Bumalik ka sa pag-aaral at patunayan mo sa babaeng ‘yon na kaya mo siyang kalimutan. Kapag lagi kang ganito, ikaw pa rin ang talo."
Sa gitna ng gabi nagising si Miguel. Inilibot niya ang paningin hanggang sa huminto ito sa bookshelf. May kung anong puwersa na humatak sa kanya upang hugutin ang isang notebook. Ipinatong niya ito sa mesa, at saka siya nag-umpisang magsulat.
Simula ngayon, aking isusulat ang nobela ng buhay ko. Mula sa karimlan, haharapin ko ang bagong liwanag. Ngunit sa kahuli-hulihang pagkakataon, aking kalimutan ang isang taong naging bahagi ng aking paglalakbay. Ang babaeng una at huling kabanata ng nobelang ito. At kapag natapos na itong paglalakbay, maging isa lamang siyang alaala ng aking nakaraan...
Nagising ako dahil sa isang malakas na katok sa pintuan ng aking silid. Hindi ko namalayang nakatulog pala ako habang binabasa ang manuscript. Isinara ko ang folder at inilagay sa kama upang buksan ang pinto. Nagulat ako nang makita si Kuya Miguel na tila nanlalaki ang mga mata at kuyom ang mga palad. Matulis ang kanyang mga titig sa akin.
"Asan ang manuscript?" ang matigas niyang tanong.
Mabilis kong iniabot ang folder. Ngunit laking gulat ko nang bigla niyang hinablot ang aking kuwelyo. Pakiramdam ko'y binuhusan ako ng malamig na yelo at lumulutang habang hawak ako ni Kuya Miguel sa kuwelyo.
Nanlilisik ang mata ni kuya. "Sa susunod, bago mo kunin ang gamit ng iba, magsabi ka muna. Bakit mo kinuha ‘to, ha? Bakit?" Halos pasigaw na ang tanong ni Kuya Miguel sa akin.
"Ang akala ko kasi okey lang sa'yo kasi pinapabasa mo naman sa akin..." Hindi ko na natapos ang aking sinasabi dahil itinulak niya ako nang malakas. Tumama ang aking likod sa dingding. Dahil yari ito sa plywood, narinig nina Mama at Papa ang malakas na kabog . Dali-dali silang pumunta sa sala upang alamin kung ano ang nangyayari. Sa aking pagkatumba parang may kung anong lakas ang dumapo sa akin upang labanan ang aking kapatid. Sa unang pagkakataon ay nasagot ko siya.
"Bakit, kuya? Dahil ayaw mong malaman namin ang lihim mo? Ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan?"
Akmang susuntukin ako ni Kuya Miguel nang pumagitna si Papa upang kami'y awatin. "Tama na, Miguel. Ano bang nangyayari sa'yo? Kapatid mo siya."
"Akala ko nagbago ka na, kuya. Akala ko nakalimutan mo na siya. Sinuway mo si Manang Lucy. Hindi mo siya sinunod. At hanggang ngayon, iniisip mo pa rin si Jane."
"Ben, ano bang pinagsasabi mo? Sinong Jane?" kunot-noong tanong ni Mama. Palipat lipat ang tingin niya sa amin ni kuya.
"Ang taong ‘yan ang tanungin ‘nyo, Ma. Kung sino si Jane at kung bakit siya nagkakasakit. Kunsabagay, tama lang na nagkakaganyan kayo, Kuya Miguel. At sa ugali mong ‘yan, hinding-hindi ka na babalikan ng babaeng ‘yon." Tumakbo na ako palabas ng bahay at hindi ko alam kung ipinagtapat na ni kuya ang tungkol sa kanila ng kanyang dating matalik na kaibigan. Nagpalipas ako ng sama ng loob at pilit na tinunaw ang galit na aking nararamdaman sa tabing-dagat. Naglakad lakad ako habang pinagmamasdan ang Punta Nasog sa di kalayuan. Mula kasi sa daray-ahan ng Casay matatanaw mo nang buo ang malapeynting na ganda ng bukid. Tama si Kuya Miguel sa kanyang kuwento. Hugis tuktok ng tandang ang Nasog. At bigla ko ring naalala ang alamat at kung paano naghintay si Buyung Nasog kay Lin-ay Bandirahan. Bigla ko ring naalala si Kuya Miguel at ang kanyang paghihintay kay Jane. Naitanong ko sa aking sarili, bakit may mga taong naghihintay ng pag-ibig? Bakit nagagawa nilang magsakripisyo sa paniniwalang magbabalik ang taong mahal nila gaano man ito katagal? Naupo ako upang magpahinga at saka nilaro ang buhangin. Pilit ko itong hinakot sa aking palad subalit palagi pa rin silang nakakatakas at muling bumabalik sa lupa. Kaunti lamang ang nagpapaiwan sa aking palad. Isang aral ang pumasok sa aking diwa habang nilalaro ang buhangin sa aking palad. Parang mga tao ang buhangin. Dumarating sila sa ating buhay. Ang iba nananatili, ang iba naman, umaalis. Sa paglalakbay natin sa ating buhay, nakakatagpo tayo ng mga taong nagmamahal sa atin at kapalit nito'y minamahal natin. Subalit may isang taong nakalaan para sa atin. Hindi man natin sigurado kung kailan natin sila matatagpuan ngunit alam nating sila'y darating. Marahil tama nga si Kuya Miguel. Ang mabuti nating gawin ay ang maghintay. Napangiti ako sa ideyang iyon. At biglang naglaho ang galit ko sa aking kapatid.
Hinintay ko ang pagdating ng dapithapon ngunit bago pa ito nagtakip ay isang masamang balita ang natanggap ko nang nakita ako ng isa naming kapitbahay. Sinabi niyang isinugod si Kuya Miguel sa ospital ngayon ngayon lang. Agad akong kumaripas ng takbo pabalik ng bahay. Hindi ko na inabutan sina Mama, Papa at kuya dahil kakaalis lamang ng pik-ap patungong Iloilo. Nakadama ako ng pagsisisi dahil sa pagsagot ko sa kaniya kanina. Niyakap ako ng aking tita. Hindi ko na siya tinanong kung anong nangyari kay Kuya Miguel.
"Nahirapan na naman siyang huminga kanina. Sana'y walang masamang nangyari sa kapatid mo. Sana bumalik pa siya dito."
"Sana nga, ‘ta. Sana nga."
Kinagabihan, pumasok ako sa kuwarto ni Kuya Miguel upang muling basahin ang kanyang nobela. Isang kabanata na lang at matatapos na ito. Muli kong binuksan at binasa ang manuscript. Sa huling mga pahina... Walang masidlan ang kagalakang nadama ni Miguel. Mukhang tumitila na ang unos na kanyang dinadanas. Nagbabadya ang isang maliwanag na bukas. Ngayon ay maayos na ang gusot sa pagitan nila ni Jane. Kahit hindi man sila nagkita ay nagkakausap pa rin sila sa pamamagitan ng pagchachat sa internet. Anong ginhawa ang dala ng makabagong teknolohiya ngayon. Muli na naman silang pinagtagpo ng tadhana. Ngunit tuluyan na nga kayang nakalimutan ang nakaraan? Marahil nga. Marahil. Ngayo'y nagtatrabaho na sa New Zealand si Jane habang si Miguel nama'y isa nang matagumpay na guro at manunulat. Marami na siyang napanalunan na mga patimpalak at kilala na siya sa buong bansa bilang isang batang nobelista. Dahil sa karangalang iyon ay marami din siyang nakilalang mga babae na handang tugunan ang kanyang pagmamahal. Subalit wala ni isa sa mga babaeng kanyang nakilala ang katulad ng kanyang matalik na kaibigan. At hanggang ngayon, sa kabila ng kanyang kasikatan at karangyaan, patuloy pa rin siyang umaasa na babalikan siya ni Jane. Hindi nga siya nabigo. Dahil si Jane ay nakatakdang umuwi sa Pilipinas...
"At magsasama silang muli," ang aking wika habang isinasara ang manuscript.
Bago lumabas si kuya sa ospital ay may kakaiba siyang pakiusap sa pamilya. Ipagpatayo raw siya ng isang munting kamalig sa tuktok ng Punta Nasog. Labis itong ikinagulat ng buong pamilya, ngunit sa kadahilanang hindi na rin magtatagal ang buhay ng aking kapatid ay sinunod na lang ang kanyang hiling. Para sa akin ay may katuturan din naman ang hiling ni Kuya Miguel. Lingid ito sa kaalaman ng pamilya. Ang tunay na dahilan kung bakit nais magpatayo ng kamalig ni kuya sa mismong tuktok ng Nasog. Si Manang Lucy ang gumastos sa pagpatayo ng kamalig. Kahit hirap siyang magpadala ng pera dahil nga ibinabayad pa niya ito para sa kanyang paglipat sa isang ospital sa Canada ay nagawa pa niyang sundin ang hiling ni Kuya Miguel. Sina Papa at ilang kamag-anak ko ang tumulong upang magpatayo ng kamalig. Hirap mang buhatin ang mga gamit dahil nga mataas ang Nasog ay nagawa din nilang itayo ang kamalig alang-alang sa kahilingan ni Kuya Miguel. Sa isip isip ko, parang mga baliw ang buong pamilya dahil lamang sa katuparan ng ilusyon ni kuya. Pinilit ko na lamang unawain siya at gawin ang nararapat, nang sa ganun ay matupad ang matagal na niyang totoong kahilingan.
Sa loob ng isang linggo ay natapos na rin sa wakas ang kamalig. Ito ang nagbigay kay Kuya Miguel ng kakaibang sigla kaya nga habang paakyat ng Punta Nasog ay masaya ito na tila walang karamdaman. Ngunit alam kong tinitiis niya lamang ito. Dahil nga sa kakulangan sa pera ay hindi na nagpachemotherapy si Kuya Miguel. Tinanggap niya nang maluwag ang kanyang karamdaman. At sa kanyang pag-akyat kasama niya ako at ang isa ko pang pinsan na magsisilbi niyang tagabantay sa bago niyang tirahan. Naabot na namin ang tuktok nang may napansin si Kuya Miguel sa kamalig. Bukas ang pinto at ang dalawang bintana ng kubo. May isang malaking bag pa sa labas nito.
"May nauna ba sa ating umakyat dito?" ang nagtataka niyang tanong sa amin.
Nagkibit balikat na lamang ako.
"E kaninong bag ‘yan? Alangan namang sa atin ‘yan e kararating pa lang natin."
"Di tingnan mo."
Tumakbo si Kuya Miguel patungong kubo. Hindi niya inaasahan ang kanyang natagpuan sa loob ng bahay. Ang babaeng matagal na niyang inaasam-asam na makapiling.
"Jane?"
"Baka kasi nangangailangan ka ng nurse kaya andito ako," ang nakangiting wika ni Jane. Hindi nakaimik ang aking kapatid.
"Kasi sabi nila, kailangan mo raw ng mag-aalaga sa'yo," ang sabi ni Jane habang iniabot ang kanyang mga palad sa payat na braso ni Kuya Miguel. "Huwag kang mag-alala. Libre ‘to. Alam kong malaki ang utang ko sa'yo so to make a redress nais kong..."
Natagpuan na lamang ni Jane ang sariling mahigpit na nakakulong sa mga braso ni Kuya Miguel habang ang kanilang mga labi'y mainit na nagtagpo. Sa loob ng labinlimang taon muli silang nagkasama, kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon. At ngayon, sabay nilang salubungin ang dapithapon sa tuktok ng Punta Nasog kapiling ang hiwaga at alamat na bumabalot sa bundok.
Ngayon, alam ko na kung paano ko tatapusin ang huling kabanata ng nobela.
WAKAS